Nakaw
Friday, November 21st, 2008Sorry talaga mga kapatid at medyo busy lang talaga kasi naghahabol sa overtime para may pambaon paguwi sa pinas next month. Yes, mga tsokaran, uuwi kami ng pamilya sa pinas after 5 years dito sa Niew Zeeland. Kaya i-ready na ninyo yung crispy pata, inihaw na bangus/tilapia, at iba pang pagkain na wala dito sa Aotearoa.
Pero kangina ay may nangyaring hinde namin inaasahan. Sa kaunaunahang pagkakataon sa pagtira namin dito sa NZ ay ninakawan kami. Ganito ang pangyayari…..
Dahil rubbish/recycling day bukas ay nagsimula akong magayos ng mga basura at mga bote/papel nung pagdating ko galing opisina. Nung nagawi ako sa garahe at binuksan ang pinto ay parang may kulang doon sa istante. Aba, nawawala yung 2 document case kong bago na nakakahon pa. Dali-dali kong sinilip yung set ko ng car speaker na nandun sa kabilang shelf. Nak ng pateng, wala na din!
At doon ko napansin na yung pinto ng cabinet at nakatiwangwang din, at yung tent kit namin saka yung ibang gamit na pang-camping ay tsuge na din. Pati na yung ibang panglinis ko sa kotse at ibang car accessories ay natangay din. Walang patawad at pati spraypaint na kalahati na lang yata ang laman ay kinursunada din. Mabuti na lang at hinde natangay yung industrial sewing machine/overlocker ni luvsko dahil may kalakihan at kabigatan ito. Siguro ang halaga ng nanakaw sa amin ay wala pa namang NZ$250 (hinde pa nga natangay nung magnanakaw yung pangloob ng tent, ay tanga!) pero nakakakaba pa ding isipin na nilusob ng kawatan ang lugar mo.
Ang pasalamat ko ay hinde yung bahay ang nilooban dahil naka-alarm ang bahay (nakahiwalay kasi yung garahe sa bahay namin). Medyo may kasalanan din ako dahil hinde ko nai-lock yung pinto sa garahe. Pero nakakatakot pa din ang pangyayari dahil paano na lang kung inabot ng mga anak ko yung mga magnanakaw nung pag-uwi nila galing eskwela? Ang tangi nalang na nagawa ko ay abisuhan ang mga kapitbahay sa nangyari at i-report ang insidente sa pulis. Kinontak naman ako nung burglary section agad after ilang oras upang kunin ang detalye pero duda ako na may mangyayari pa dahil mahirap naman talagang resolbahin ang ganitong burglary.
Di bale at naniniwala naman ako sa karma. Alam kong may balik naman ito sa kung sino mang nagnakaw sa amin. Mapeperwisko ka ding hayup ka!!