Puntong Rizal
Wednesday, June 18th, 2008
Kangina nung maydowntime ako sa trabaho ay nag-web surfing ako at natiyempuhan ko yung isang site tungkol sa isang migrants association sa Estados Unidos para sa hometown ng ermats ko. Ang lugar na iyon ay Teresa, Rizal at ito ang bayan na susunod sa Antipolo. Bale ito yung nasa baba ng bundok ng Antipolo at yung daan pababa ay zigzag.
OK ang childhood memories ko doon. Ang Teresa noon ay mostly agricultural pa yung economy pero mayroon ding mga cement factory na siyang ikinabubuhay nung ibang residente doon. Napakalapit ng Teresa sa Manila pero probinsyang-probinsya ang dating niya nung araw.
Madalas ako magbakasyon doon nung bata pa ako, pagsummer umaabot pa nga ako ng isang buwan. Dahil unang apo ay medyo spoiled kay Amang at Inang (yung grandparents ko sa side ni ermats). Ang paborito kong request kay Inang tuwing umaga ay gatas ng kalabaw, na isasabaw sa kanin at lalagyan ng konting asin. Negosyante sina Amang at Inang, may poultry at wholesaler ng paninda dun sa palengke. Successful naman business nila at napagtapos ang walo nilang anak.
Iba yung laro sa labas ng bahay kaysa yung ginagawa ng bagong henerasyon ngayon. Noon ay nagpako lang ako ng tatlong pirasong kahoy, naglagay ng isang pako bilang trigger - instant thompson machine gun na! Pabulusok ang kalye dun sa kila Amang kaya ang paborito naming laro ay yung karera ng mga home-made na sasakyang animo’y go-cart pero ball bearing ang mga gulong. Isa pang masayang salihan ay yung patintero na maramihan-yung hanggang walo kabilaan at saka taguan (lalo na sa gabi). Ang isa pang uso doon ay yung paggawa ng higanteng saranggola - ang tawag ay bulador - na minsan pa nga ay itinatali nila pag magdidilim na pero sa kinabukasang umaga ay lumilipad pa din pagbalik mo. Ang daming kalabaw dun nung araw at madalas kami sumasakay sa likod nito. Minsan may nagpapasakay din sa paragos (yung parang sled na gawa sa kawayan) na hilahila nung kalabaw.
Pagsummer ay madalas kami doon sa lupa nila Amang na may tanim na mangga. Iba pa rin ang lasa ng mangga sa atin. Pagseason naman ng mais at mane ay pumupunta kami doon sa kapatid ng lola ko na yun ang mga tanim.
Matagal na may rumor na dito daw sa lugar na ito ng Rizal province naibaon yung treasure ni Yamashita. Meron pa nga daw na nakahukay na ng bahagi nito (di ko alam kung totoo o hinde) pero may mga mangilan-ngilan din na taong bayan ang nagka-gold fever. Marami na ang mga naghukay kung saan-saan pero puro bigo. Yun ngang bunsong kapatid ni ermats ay nahawa din at naghukay minsan na pagkalalim-lalim…”Nakow malapit na, konting hukay na lang!”…..wala din.
Ang mapanasin mo sa lugar na ito ay yung puntong Rizal - yung ibang accent ng Tagalog. Ito yung pagkakaiba sa tono ng pagtatagalog at paggamit ng ibang nuance ng mga words. Ang halimbawa ay ang word na ‘katawan’ na binibigkas natin ng diretso, sa puntong Rizal ay nagiging ‘kataw-an’ (may konting break sa huli). Yung ibang words din may may letrang ‘D’ ay pinapalitang ng ‘R’, example ay rikit-rikit ang mga bunrok. Meron ding sariling slang tulad ng ‘buklat’ (short for ‘binuklat ka sa ilalim ng bato’) na ibig sabihin ay pangit ka.
Ganito ang dialogue doon (isipin mo ang punto ni Vic Ongasis sa Iskul Bukol habang binabasa ito at kuha mo na yung puntong Rizal):
Kapitbahay1: Hoy mare, parika rine at magtaglay ka ng rahon ng malunggay. Gusto ko kasi maghanra ng nilagang karne at inihaw na isra, pampalakas ng kataw-an.
Kapitbahay2: Sige mare, nasa raan na ako. Nakow, tanas ang tsinilas ko manghihiram muna ako sa katapatir ko. Banghirap gumala ng nakapaa.
Kapitbahay1: Huwag kang is-le! Magparausos ka nalang papunta rine. Baka kita’y mamura.
Kapitbahay2: Isa kang buklat bruka! Ay hu-o, pariyan na nga ako. Ika’y masyadong maramramin. Yung sanrok mo nakita kong nakasabit sa ringring namin, dalhin ko na rin ngay-on. Itali mo nga ng lubir ang inyong aso at baka ako’y hagarin.
Miss ko na din itong lugar na ito, pero six months to go na lang makikita ko na uli.