Aksidente
Noong unang linggo ng Abril ay nagdesisyon si Luvsko na bumili ng sarili niyang sasakyan. Tulad ng naikwento ko dun sa isa kong post, ang sasakyan dito ay hinde luxury kundi necessity. Naging desidido siya bumili kasi may learner’s license na siya. Nahihirapan na din kasi siya mag-commute dahil nagbago na ang ruta ng bus dun sa pinagtratrabahuhan niya at lumayo na ang hintayan ng bus stop. Hindi na rin nagdadaan mismo sa kalye namin yung bus at malayo na rin yung pinakamalapit na babaan.
Nagkataon namang binebenta nung isang barkada yung luma niyang 1993 Honda Ascot. Binenta sa amin sa presyong kapatid at malaki ang natawad namin. Maganda naman ang pagkaka-maintain nung sasakyan at makinis pa, ang tingin ko ay nakaswerte kami.
Simula nung binili niya ito ay panay na ang praktis niya, nakikita ko namang natututo na magdrive. Konti pang praktis ay kukuha na siya ng restricted license - pag meron ka nito ay pwede ka na magmaneho ng walang kasama sa sasakyan pero hinde nga lang allowed magdrive mula 10pm hanggang 5am.
Noong 4 Mayo ay pumasok si Luvsko sa parttime niyang trabaho bilang caregiver sa ospital. Bandang 1pm ay naghanda na ako para sunduin siya. Nitong araw na ito ay malakas ang buhos ng ulan at kakatila lang nung nilabas ko ang sasakyan niya. Halos wala pang 300 meters sa bahay ay mayroong roadworks na ginagawa sa intersection na malapit sa amin. Nakasunod ako sa isang pickup truck ng sumignal ito pakanan at tumigil upang palampasin yung mga kasalubong niya. Nagpreno naman ako pero dumulas yung mga gulong ko dahil sa basang kalye at tinamaan ko yung pickup.
Dali-dali kong tinabi yung kotse ni esmi, at pinuntahan agad yung driver ng pickup para tingnan kung may nasaktan. Kinabahan kasi ako dahil nakita kong may mga bata na na pasahero yung pickup. OK naman daw sila at ako din naman ay kinumusta nung driver kung hinde daw ba ako nasaktan. Mabuti na lang at mabait yung nabangga ko at hinde yung tipong nagwawala tapos ng aksidente tulad sa pinas. Anlaking tao pa man din yung Maori na nabangga ko, kayang-kaya akong gulpihin.
Ang damage sa pickup niya? Nakupe lang ng konti yung kaha nung lumang pickup niya.
Ang damage sa sasakyan ni Luvsko? Yupi ang buong hood (parang nilukot na papel), wasak ang headlights, radiator, baterya at air cleaner. Ito ang hindi ko gusto sa Honda, parang lata lang ang kaha.
Iiling-iling nga yung Maori at sabing “worse off” daw yung sasakyan ko. Nagpalitan kami ng detalye nung Maori at nung tanungin ako kung tatawag pa kami ng pulis ay sabi ko hinde na dahil kasalanan ko naman. Ang sabi ko ay yung kanya-kanyang insurance company na lang ang mag-usap. Nagkamayan na lang kami at inuwi ko na yung sasakyan. Itinawag ko naman kaagad sa insurance company ko ang pangyayari at ibinigay ang insurance details dun sa Maori mismo nung araw na yun.
Kinabukasan ay dinala ko yung Honda sa isang panelbeater (yun ang tawag sa latero dito) para magpa-quote kung magkano ang aabutin sa pag-repair sa kotse. After 3 days ay ibinalita sa akin nung panelbeater na nagdesisyon yung insurance company ko na”i-write off” na lang daw yung Honda dahil yung presyo ng pagpagawa sa kanya ay pareho lang sa presyo na pagka-insure namin sa kanya. Yun pala, ang insurance companies dito ay ipapagawa lang yung sasakyan kung hindi aabot sa more than 2/3 ng insurance value niya. So ang nangyari ay babayaran na lang kami ng value ng sasakyan less yung “standard excess” na $300. Wala pa namang isang linggo ay resolbado naman lahat pati na yung pagbalik sa amin ng pera (hinihintay ko na lang pumasok sa bangko).
Pero nakakatakot pa din talaga ang aksidente, laking pasalamat ko sa Itaas na walang nasaktan.
